Higit 50 patay, dose-dosenang iba pa sugatan sa pagsabog sa Pakistan
Mahigit sa 50 katao ang namatay at dose-dosenang iba pa ang nasugatan sa Balochistan province sa Pakistan, dahil sa suicide bomber na tumarget sa isang prusisyon kasabay ng pagdiriwang sa kaarawan ng Islam prophet na si Mohammed.
Samantala, isa pang suicide attack ng dalawang lalaki sa isang mosque na daan-daang kilometro sa hilaga ng lalawigan ng Khyber Pakhtunkhwa, ang humantong naman sa pagbagsak ng bubong na ikinamatay ng apat na tao, ayon sa mga opisyal.
Bagama’t ang selebrasyon ng kaarawan ni Mohammed ay tanggap ng mayorya ng mga sektang Islam sa Pakistan at sa iba pang Muslim world, tinitingnan ito ng ilang denominasyon bilang isang hindi makatwirang pagbabago.
Sa timog-kanlurang Balochistan, sinabi ng mga opisyal na pinasabog ng isang suicide bomber ang isang aparato habang ang mga rally mula sa katabing mga mosque ay nagtagpo sa isang meeting point sa Mastung, humigt-kumulang 40 kilometro (25 milya) timog ng provincial capital, na Quetta.
Ang mga lokal na ospital ay napuno sa dami ng bilang ng mga sugatan, habang ang provincial authorities naman ay gumamit na ng social media platforms upang humingi ng blood donors.
Sinabi ni Munir Ahmed Shaikh, deputy inspector-general ng Balochistan police force, “I can confirm that the death toll has increased to 52, with over 70 individuals injured.”
Ang naganap na pagsabog nitong Biyernes ay nangyari habang naghahanda ang Pakistan para sa isang halalan na nakatakdang ganapin sa Enero ng susunod na taon, habang nakikipagbuno sa isang political crisis, mahinang ekonomiya, at pagdami ng militant violence sanhi ng pagbabalik sa kapangyarihan ng Taliban sa Afghanistan noong 2021.
Kaugnay ng nangyari ay nagdeklara ng tatlong araw na pagluluksa si Balochistan minister for information Jan Achakzai.
Ang Balochistan, na lalawigan ng Pakistan na kakaunti lamang ang populasyon, ay tahanan din ng ilang militanteng grupo na nakikipaglaban para sa kalayaan o para sa mas malaking bahagi sa mineral resources ng rehiyon.
Daan-daang kilometro sa hilaga ng Hangu, o sa Khyber Pakhtunkhwa province, apat katao ang nasawi makaraang bumagsak ang bubong ng isang mosque kasunod ng isang suicide attack.
Ayon sa senior district police officer na si Nisar Ahmad, “Two militants, armed with automatic firearms, hand grenades, and suicide vests attempted to breach the mosque’s security. They were intercepted at the main entrance leading to an exchange of gunfire. One of them detonated his vest, while the other managed to enter the mosque’s hall through a window.”
Aniya, karamihan sa mga nasa loob ay nagawang makatakas nang magsimula ang pamamaril, ngunit nang sumabog ang mga bomba na suot ng isang suice bomber ay bumagsak ang bubong na ikinasawi ng apat katao.
Pinaigting ng Pakistan Taliban ang pag-atake laban sa militar at government targets simula nang makabalik sa kapangyarihan ang Taliban sa katabing Afghanistan.
Subalit ayon sa grupo, wala silang kinalaman sa Balochistan attack.
Ang regional chapter ng Islamic State group, na kilala bilang Islamic State-Khorasan (IS-K), ay nagsagawa na rin ng mga pag-atake sa lugar sa mga nagdaang panahon.
Sa isang pahayag ay sinabi ng interior ministry, “The attack on innocent people who came to participate in the procession… is a very heinous act.”
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Pakistan military na apat na sundalo ang namatay habang pinipigilan ang pagtatangka ng TTP militants na pasukin ang Balochistan mula sa Afghanistan.