Higit 50 sasakyan sa Brgy. Cembo, Taguig City natiketan at hinila ng MMDA dahil sa illegal parking
Nagsagawa ng clearing operations nitong Biyernes ng umaga ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bahagi ng Barangay Cembo sa Lungsod ng Taguig.
Nasampolan ang mahigit 50 sasakyan na ilegal na naka-park sa kahabaan ng Narra Street at sa ilalim ng flyover sa bahagi ng Barangay Cembo.
Ayon kay MMDA Special Operations Task Force OIC Gabriel Go, marami na silang natanggap na reklamo sa lugar dahil nakasasagabal ang mga mga naka-park na sasakyan sa daloy ng trapiko roon, “ Two way street can never have a one side parking ” ani Go.
Aniya, bahagi ng national road at two-way street ang lugar kaya hindi dapat ito gawing parking ng mga behikulo.
Kinuwestiyon at nakasagutan din ng ilang may-ari ng sasakyan ang mga tauhan ng MMDA matapos na matiketan o ma-tow ang kanilang kotse.
Idinipensa naman ng kapitan ng barangay ang pag-park ng mga residente kay OIC Go .
Ayon kay Barangay Captain Dr. Romeo Millo, noon pa man na bahagi sila ng Makati City ay matagal nang one -side parking ang lugar bagamat two-way ito.
May binubuo na rin aniya silang ordinansa na isusumite sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig para maging one-way at one-side parking ang lugar.
Giit pa ng Kapitan, dapat ay nakipag-ugnayan muna ang MMDA sa kanila bago nagsagawa ng operasyon, “ Bakit hindi po muna natin pabayaan paparkingin muna at kakausapin ko yung mga sasakyan dito “ bahagi ng pahayag ng Barangay Chairman.
Moira Encina