Higit 600 katao, patay sa malakas na lindol sa Morocco
Higit 600 katao ang nasawi nang tamaan ng malakas na lindol ang Morocco kagabi.
Ang 6.8-magnitude na lindol ay tumama 72 kilometro (45 milya) sa timog-kanluran ng tourist hotspot na Marrakesh bandang alas-11:11 Biyernes ng gabi (2211 GMT).
Ayon sa US Geological Survey (USGS), naramdaman din ang malakas na pagyanig sa coastal cities ng Rabat, Casablanca at Essaouira.
Batay sa updated figures mula sa interior ministry ngayong Sabado, 632 na ang namatay at higit kalahati sa mga ito ay mula sa Al-Haouz at Taroudant provinces.
Nakapagtala rin ang ministry ng mga nasawi sa Ouarzazate, Chichaoua, Azilal at Youssoufia provinces, maging sa Marrakesh, Agadir, at Casablanca area.
329 katao naman ang nasaktan, kabilang ang 51 na nasa kritikal na kondisyon.
Sa isang footage sa social media, makikita ang bahagi ng isang bumagsak na minaret sa Jemaa el-Fna square sa makasaysayang siyudad.
Daan-daang katao naman ang nagtipon sa square upang doon magpalipas ng magdamag sa takot sa aftershocks.
Residents stay out at a square in Marrakesh after an earthquake in Morocco/ AFP / Fadel Senna
Sinabi ng interior ministry na pinakilos na ng mga awtoridad ang lahat ng “necessary resources” upang tumulong sa mga apektadong lugar.
Nanawagan naman ang regional blood transfusion centre sa Marrakesh sa mga residente na mag-donate ng dugo para sa mga nasaktan.
Sa ulat ng local media, isang pamilya ang na-trap sa guho matapos bumagsak ang kanilang bahay sa bayan ng Al-Haouz, malapit sa sentro ng lindol.
Ang PAGER system ng USGS, na nagbibigay ng paunang assessments sa epekto ng mga lindol, ay nagpalabas ng isang red alert para sa pagkalugi sa ekonomiya, na nagsasabing posibleng malaki ang pinsala at malamang na laganap ang sakuna.
Ayon pa sa US government agency, ang mga nakaraang kaganapan na may ganitong antas ng alerto ay nangailangan ng isang national o international level response.
Sinabi ng global internet monitor na NetBlocks, na nawalan ng internet connectivity sa Marrakesh dahil sa pagkaputol ng suplay ng kuryente.
Batay sa ulat ng Moroccan media, ang lindol ang pinakamalakas na tumama sa bansa sa ngayon.
Samantala, nagpaabot na ng kaniyang pakikiramay si German Chancellor Olaf Scholz, habang sinabi naman ni Indian Prime Minister Narendra Modi na ikinalungkot niya ang balita tungkol sa lindol.
Ang lindol ay naramdaman din sa katabing Algeria, ngunit ayon sa Algerian Civil Defence ay hindi naman nagdulot ng pinsala o casualties.