Higit 63 milyong Pilipino, fully vaccinated na kontra Covid-19; 663,000 mga bata mula sa 5-11 age group, nabakunahan na ng unang dose
Nasa 70% na ng mga Pilipino mula sa 90 milyong population target sa bansa ang ngayon ay fully vaccinated na kontra Covid-19.
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) chair at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, katumbas ito ng 63 milyong indibidwal na nakakumpleto na ng bakuna.
Sinabi rin ng Health official na umaabot na sa 663,384 mga bata na nasa edad 5-11 ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 70 milyong Pinoy pagsapit ng Marso at 90 milyon naman pagsapit ng Hunyo ngayong taon.
Samantala, nasa 9.7 milyong indibidwal na sa bansa ang nakatanggap ng booster dose.
Nauna nang ipinahayag ni National Task Force Against Covid-19 Secretary Carlito Galvez Jr., na ipaprayoridad nila sa pagbabakuna ang nalalabing 3 milyong senior citizens na hindi pa nababakunahan at mga may comorbidities.
Palalakasin din ng gobyerno ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination at ilang lokal na pamahalaan din ang nag-commit na maglalaan ng mga transportation service para sa mga nakatatanda at mga may sakit upang makarating sa vaccination sites.
Sa kasalukuyan, nasa 224, 823,360 Covid-19 vaccines na ang natanggap ng Pilipinas hanggang nitong Pebrero 19, 2022 na binili ng gobyerno at mga donasyon.