Higit 70,000 Healthcare workers, hindi pa nabibigyan ng special risk allowance

Aabot pa sa mahigit 70,000 healthcare workers ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang Special Risk Allowance (SRA) ngayong may nararanasang Covid-19 Pandemic.

Sa budget hearing sa Senado, sinabi ng Department of Health na wala pa umano kasi silang natatanggap na mga supporting document mula sa mga lokal na pamahalaan na nagpapatakbo ng mga ospital at iba pang private healthcare facilities.

Sinabi ni Health Asst. Secretary Maylene Beltran na mangangailangan rin ang DOH ng supplemental budget na 2.7 billion pesos para tustusan ang pamamahagi ng SRA.

Sa ngayon aniya, aabot na sa 56,013 na healthcare workers ang nabigyan ng SRA o katumbas ng  87% ng kabuuang medical frontliners na dapat mabigyan ng kaukulang benepisyo.

Kasama aniya sa mabibigyan ng SRA sakaling maaprubahan ang kanilang hinihinging dagdag na pondo ang mga healthcare worker na mula sa iba’t-ibang operation units, LGU healthcare facilities at private hospitals kasama na ang mga nasa laboratoryo.

Sa pagdinig, inamin naman ni Health Secretary Francisco Duque na mayroon silang emergency hiring ngayon para sa may mahigit 10,000  plantilla position ng mga Physicians.

Apila niya sa Senado, sana maaprubahan ang 1.5 billion na budget para dito para magkaroon na ng personnel augmentation lalo ngayong may nararansang Pandemya.

Aabot sa 242.2 billion ang hinihinging budget ng DOH para sa susunod na taon kasama na ang sa attached agencies nito.

Meanne Corvera

Please follow and like us: