Higit 80 katao patay sa baha sa Sudan
Higit 80 katao ang nasawi sa mga pagbaha kasunod ng malakas na pag-ulan, na ikinasira rin ng libu-libong mga bahay.
Ayon kay Abdel Jalil Abdelreheem, tagapagsalita ng National Council for Civil Defense ng Sudan . . . “A total of 84 people were killed and 67 others injured in 11 states across Sudan since the beginning of the rainy season.”
Nalunod, nakuryente at natabunan ng gumuhong bahay ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.
Nasa 8,408 mga bahay naman ang nawasak at higit 27,200 ang napinsala sa magkabilang panig ng bansa.
Ang Sudan ay karaniwan nang nakararanas ng malalakas na mga pag-ulan sa pagitan ng Hunyo at Oktubre, at ang bansa ay nahaharap sa matinding pagbaha taun-taon, na sumisira sa mga ari-arian, imprastraktura at pananim.
Sa pagtaya ng United Nations (UN), nasa 102,000 katao na ang naapektuhan ng malalakas na mga pag-ulan at pagbaha mula pa noong Hulyo.
Sa ulat ng UN noong nakalipas na linggo, halos 50 villages ang nalubog sa baha sa Sudan, sanhi para mawalan ng tahanan ang may 65,000 katao kabilang na ang kampo ng South Sudanese refugees.
Noong 2019, napilitan ang Sudan na magdeklara ng tatlong buwang state of emergency bunsod ng malalakas na pag-ulan, matapos maapektuhan ng baha ang hindi bababa sa 650,000 katao, at higit 110,000 mga bahay naman ang napinsala o nawasak.