Higit sa kalahati ng mga pampublikong paaralan nagpatuloy na ng Face to Face classes
Higit sa kalahati ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang nagpapatupad na ng in-person classes, anim na buwan makaraang payagan ng gobyerno ang pagbabalik ng face-to-face (F2F) classes na nahinto dahil sa pandemya.
Sinabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, na kabuuang 25,668 mga pampublikong eskuwelahan sa buong bansa ang nagsasagawa na ng F2F classes.
Ang bilang ay katumbas ng 56.89 percent ng higit 47,000 mga pampublikong paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Sinabi ni Briones na higit 5.95 milyong mga mag-aaral sa lahat ng antas ang inaaahang lalahok sa in-person classes, na kumakatawan sa humigit-kumulang sangkatlo (1/3) o 25.61 percent ng kabuuang 23.3 milyong naka-enroll sa mga public school.
Ayon kay Briones, walang problema sa mga pampublikong paaralan dahil sa sandaling ang isang rehiyon ay in-assess at isinailalim sa Level 1 o 2, ay automatic na iyon sa F2F.
Aniya, boluntaryo pa rin ang pagpapabakuna para sa mga estudyante, nguni’t sinabi ni Briones na nakararami at halos lahat o 93 percent ng 947,000 mga guro ay fully vaccinated na. Lahat din ng DepEd staff ay ganap nang bakunado.
Mas marami pang mga paaralan ang inaasahang magsasagawa na rin ng in-person classes, kasunod ng rebisyon ng School Safety Assessment Tool (SSAT) sa ilalim ng Revised Operational Guidelines on the Progressive Expansion of Face to Face Learning Modality.
Nagpahayag naman ng pag-aalala ang kalihim sa mababang bilang ng mga private at secondary schools na nagpapatupad na ng F2F classes.
Aniya, 676 o 5.47 percent lamang ng humigit-kumulang 16,000 mga pribadong eskuwelahan ang nagsasagawa ng in-person classes.
Ayon kay Briones . . . “Ito ay isang hamon sa amin, mayroong 676 pribadong paaralan na nagbukas na ng face-toface. Kabalintunaan na sa kasagsagan ng mga debate sa face-to-face schooling, maraming demands para sa face-toface.”
Sinabi pa niya na sa ngayon ay may kabuuang 6.18 milyong mga mag-aaral ang lumalahok sa in-person classes.
Una nang ipinahayag ng kalihim na ang in-person classes ay magpo-promote ng mental health at child development, dahil magkakaroon sila ng interaksiyon sa mga kapwa nila mag-aaral.
Noong Setyembre, ay pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pilot test ng F2F classes kapwa sa pribado at pampublikong mga paaralan sa mga lugar na itinuturing na mababa na ang panganib para sa COVID.
Ang Pilipinas ang huling bansa sa mundo na muling nagbukas ng pinto para sa in-person classes, simula nang ideklara ng World Health Organization ang pandemic noong March 2020.
Nitong Lunes ay sinabi ni Presidential adviser for COVID-19 Response Vince Dizon, na may ilang pribadong paaralan na tutol sa pagpapatupad ng F2F classes, na ang ipinipilit na dahilan ay may ilan pa ring mga magulang na nangangamba pa ring payagan ang kanilang mga anak na lumahok sa face-to-face classes.
Aniya, malamang na maglabas ang IATF ng isang “strong endorsement” sa mga pribadong paaralan para ipagpatuloy ang F2F classes.
Samantala, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na plano ng gobyerno na gawing available ang COVID vaccines sa elementary at secondary schools.