‘Hijab’ uniform para sa mga babaeng personnel, aprubado na ng PCG
Aprubado na sa Phil. Coast Guard (PCG), na gamitin ng mga babaeng personnel bilang uniform ang ‘hijab’ na isang Muslim female dress.
Ang hakbang ay kumakatawan sa pagrespeto ng liderato ng PCG sa paniniwala at kultura ng mga kababayan nating Muslim.
Sinabi ni PCG Commandant Admiral Leopoldo Laroya, na Enero 25 nang pahintulutan ang paggamit sa hijab kasunod ng rekomendasyon ni PCG Command imam, Capt. Alicman Borowa.
Ang approval ay ipinarating na ng PCG Commandant sa lahat ng kanilang unit sa pamamagitan ni PCG Vice Admiral Artemio Abu.
Ayon naman kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, ang paggamit ng hijab ay lumalarawan sa pagtanggap ng PCG sa kultura at paniniwala ng bawat Filipino.
Aniya . . . “We need to honor their traditions, and wearing ‘hijab’ for females is one of the traditions. No matter the culture, the religion, the PCG accepts everyone who wants to be part of the Coast Guard and serve the country.”
Sinang-ayunan din ng mga miyembro ng PCG Uniform Board ang pagkilala sa ‘Muslim Fatima’ sa PCG service.
Sa ngayon ay may 21,500 miyembro ang Coast Guard, at 1,850 ang Muslim personnel.