Hiling na judicial clemency ng sinibak na Sandiganbayan justice dahil sa pagkakaugnay kay Janet Napoles, partly granted ng SC
Ibinalik ng Korte Suprema ang ilan sa mga benepisyo ni dating Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong na sinibak sa serbisyo noong 2014 dahil sa pagkakaugnay sa negosyante at sinasabing mastermind sa PDAF scam na si Janet Lim Napoles.
Ito ay matapos paboran nang bahagya ng Supreme Court ang inihaing judicial clemency ni Ong.
Sa ruling noon ng SC, ipinawalang bisa ang lahat ng retirement benefits ni Ong maliban sa kanyang leave credit at hindi na rin siya maaring magtrabaho sa alinmang ahensya ng gobyerno kabilang na ang mga government owned and controlled corporations.
Pero sa desisyon ng Korte Suprema sa judicial clemency ni Ong noong Enero ay ipinagutos na maibalik ang retirement benefits at ang full pension ng dating justice.
Inalis na rin ng SC ang ipinataw na disqualification kay Ong sa reemployment sa alinmang tanggapan o posisyon sa pamahalaan.
Gayunman, forfeited ang two-thirds ng lump sum benefits ni Ong bilang penalty.
Ikinonsidera ng SC sa pagkatig nito partially sa judicial clemency ni Ong ang lagay ng kalusugan nito.
Ayon sa SC, bumalik ang prostate cancer ni Ong at kinakailangan sumailalim sa operasyon at chemotherapy.
Batay din anila kay Ong, nahihirapan ito sa medikal at pinansiyal na kalagayan kaya kung papayagan ito na muling makapagtrabaho sa gobyerno ay magagamit nito ang kanyang nalalabing taon para makapagsilbi sa publiko at ma-redeem ang kanyang sarili.
Sinabi pa ng Korte Suprema na nagpakita ng remorse o pinagsisisihan ni Ong ang kanyang mga maling gawa at patuloy na nagrereporma sa pamamagitan ng paglahok sa socio-civic activities at pagbibigay ng libreng legal service sa mga nangangailangan.
Moira Encina