Hiling ng PUVs na tatlong pisong dagdag pasahe, hindi pinagbigyan ng LTFRB
Sa halip na taasan ang pamasahe, mas ikinukonsidera ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, ang mga programang makatutulong, susuporta at aayuda sa drivers at operators ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa.
Ito ang naging tugon ng ahensiya sa inihaing petisyon ng transport groups, na dagdagan ng tatlong piso ang minimum na pamasahe sa pampasaherong jeep, sanhi ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaugnay nito, sumulat na ang LTFRB sa Department of Energy (DOE) para pag-aralan ang uniform fuel subsidy para sa pampublikong mga sasakyan, sa lahat ng gasoline stations sa buong bansa.
Inirekomenda rin ng ahensiya sa IATF na dagdagan ang umiiral na 50% passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan, ngayong nagluwag na ang mga restriksiyon sa Metro Manila.
Nangako rin ang LTFRB na maghahanap ng alternatibong paraan para matugunan ang kahilingan ng transport groups, nang hindi maaapektuhan ang mga mananakay.
Una nang tinanggihan ng ahensiya ang kahilingan ng transport groups na dagdagan ng tatlong piso ang pamasahe, dahil mas maraming mamamayan ang maaapektuhan kung aaprubahan nila ito.