Hindi bababa sa 10 patay sa hagupit ng Hurricane Milton sa Florida
Hindi bababa sa sampu ang namatay at milyong katao ang nawalan ng suplay ng kuryente, sa pananalasa ng Hurricane Milton sa Florida, subali’t hindi ito nagdulot ng mapangwasak na storm surge gaya ng pinangangambahan.
Gayunman, sinabi ni Governor Ron DeSantis, na bagama’t hindi dinanas ng estado ang “pinakagrabeng sitwasyon,” ay malaki pa rin ang pinsalang tinamo nila at namamalagi ang banta ng mga pagbaha.
Ang barrier islands sa kahabaan ng timog ng Tampa Bay area ay dumanas ng malawak na pagbaha, ngunit hindi ng storm surge na pinagmulan ng katakut-takot na mga babala.
Sinabi ni U.S. Homeland Security Secretary Alejandro Mayorkas, na lumilitaw na ang mga namatay ay dahil sa mga tornado. Aniya, hindi bababa sa dalawampu’t pitong tornado ang tumama sa Florida.
Sinabi ni St. Lucie County spokesperson Erick Gill, “A spate of tornados killed five people, including at least two in the senior-living Spanish Lakes communities.”
Ang naputol na mga konretong poste ng kuryente at tumaob na mga trak sa mga kanal ay ebidensiya ng lakas ng mga tornado.
Ayon sa 37-anyos na si Crystal Coleman, siya at ang kaniyang 17-anyos na anak na babae ay nagtago sa kanilang bathroom nang manalasa ang bagyo, habang unti-unting pinupunit ng isang tornado ang bubungan ng kanilang bahay sa Lakewood Park.
Aniya, “It felt like I was in a movie. I felt like I was about to die.”
Mahigit sa 3.2 milyong mga tahanan at negosyo sa Florida ang nawalan ng suplay ng kuryente ayon sa PowerOutage.us., at ilan sa mga ito ay ilang araw nang naghihintay na bumalik ang suplay ng kanilang kuryente na naputol nang manalasa ang Hurricane Helene sa kanilang lugar, dalawang linggo na ang nakalilipas.
Pinunit din ni Milton ang fabric roof ng Tropicana Field, ang stadium ng Tampa Bay Rays baseball team sa St. Petersburg, ngunit wala namang napaulat na nasaktan. Ang ballpark ay naging staging area para sa responders.
Sa downtown St. Petersburg, inusisa ng dose-dosenang katao ang isang bumagsak na crane na humiwa sa isang bahagi ng Johnson Pope building sa First Avenue South, na tahanan din ng Tampa Bay Times.
Sabi ng 27-anyos na si Alberta Momenthy na nakatira malapit sa lugar, “That, to me, is shocking and crazy to see. It looks like it kind of keeled over, and the building caught it and got a little destroyed.”
Ayon kay Tampa Mayor Jane Castor, “The state was still in danger of river flooding after up to 18 inches (457 mm) of rain fell. Authorities were waiting for rivers to crest, but so far levels were at or below those after Hurricane Helene two weeks ago.”
Sinabi naman ni Federal Emergency Management Afency head Deanne Criswell, na karamihan sa mga napaulat na severe damage ay mula sa mga tornado.
Aniya, “The evacuation orders saved lives, more than 90,000 residents went to shelters.”
Sinabi ni President Joe Biden, na ipinagpaliban ang pagbiyahe sa ibang bansa upang i-monitor ang sitwasyon, na naniniwala siyang dapat nang bumalik sa sesyon ang U.S. Congress upang talakayin ang disaster relief funding kasunod ng bagyo.
Gayunman, hindi pa nakausap ni Biden si House Speaker Mike Johnson tungkol sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso. Ang mga miyembro ng House of Representatives at Senado ay hindi pa naka-schedule na bumalik sa Washington hanggang sa pagkatapos ng Nov. 5 election.
Matatandaan na ang Hurricane Milton ay tumama sa kanlurang baybayin ng Florida noong Miyerkules ng gabi bilang isang Category 3 hurricane sa five-step Saffir-Simpson scale, na may pinakamalakas na hangin na 120 mph (205 kph). Bagama’t mapanganib pa rin, humina si Milton mula sa isang mapaminsalang Category 5 habang tinatahak nito ang Gulf of Mexico patungo sa Florida.