Hindi bababa sa 11 patay habang 27 ang nawawala sa Beijing rainstorms
Hindi bababa sa 11 katao ang patay at 27 ang nawawala matapos bumuhos ang malakas na ulan sa Beijing, na nagpalubog din sa mga kalsada at nagdulot ng mudslides.
Ang Bagyong Doksuri, isang dating super typhoon, ay tumagos pahilaga sa China matapos tumama sa southern Fujian province noong Biyernes, at makaraang unang salantain ang Pilipinas.
Nagsimulang bumuhos ang malakas na pag-ulan sa Beijing at sa mga nakapaligid na lugar nito noong Sabado, na halos ang average na pag-ulan para sa buong buwan ng Hulyo ay ibinagsak na sa kabisera sa loob lamang ng 40 oras.
Iniulat nitong Martes ng state broadcaster na CCTV, na hindi bababa sa 11 katao ang namatay dahil sa mga pag-ulan at 27 pa ang nawawala. Kabilang sa nasawi ang dalawang volunteers na namatay habang nasa kalagitnaan ng rescue and relief operations.
Sinabi naman sa ulat ng state-owned tabloid na Global Times, na higit sa 100,000 katao sa buong siyudad na ipinalalagay na nanganganib ang inilikas na.
Sa mga pampang ng ilog ng Mentougou, isa sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng pagbaha, nakita ng mga mamamahayag ng AFP ang maputik na debris na nagkalat sa kalsada.
Isang matandang lalaking taga-roon sa lugar ang nagsabing hindi pa siya nakakita ng ganoong katinding baha mula noong July 2012, nang 79 katao ang mamatay at libu-libo ang inilikas.
Nasa isang dosenang emergency vehicles, kabilang ang mga trak na may mga tangke ng tubig at bulldozers, ang namataan sa kalsada sa pagitan ng mga distrito ng Shijingshan at Mentougou.
Nakita sa live images mula sa broadcaster na CCTV nitong Martes ng umaga ang hilera ng mga bus na lubog ang kalahati sa tubig baha sa southwest Fangshan neighborhood ng Beijing.
Humigit-kumulang 150,000 bahay sa Mentougou ang nawalan ng suplay ng tubig, kung saan 45 tankers na ang ipinadala upang magbigay ng emergency supplies.
Bahagi ng katabing Hebei province ang namamalagi sa ilalim ng red alert, at ang mga awtoridad ay nagbabala sa posibleng flashfloods at landslides.
Ayon sa Beijing Daily, binuhay ng siyudad ang isang flood control reservoir nitong Lunes sa unang pagkakataon simula nang ito ay itayo noong 1998.
Naghahanda na rin ang bansa para sa pagdating ng isa pang bagyo, ang Khanun, ang ika-anim na bagyo ngayong taon habang papalapit ito sa silangang baybayin ng China.