Hindi bababa sa 132 katao patay sa pagguho ng tulay sa India
Hindi bababa sa 132 katao ang nasawi sa India, makaraang bumagsak ang isang colonial-era pedestrian bridge.
Ayon sa mga awtoridad, halos 500 katao, kabilang ang mga babae at bata, ang nagsasagawa ng isang religious festival sa ibabaw at paligid ng halos 150-taon nang suspension bridge sa Morbi na nasa estado ng Gujarat sa western India, nang mapigtas ang mga kableng sumusuporta rito sanhi upang bumagsak ang tulay sa ilog na ikinahulog sa tubig ng maraming tao.
Sinabi ni Senior police official Ashok Kumar Yadav, na umakyat na ngayon sa 132 ang bilang ng mga nasawi at ayon sa sources karamihan sa mga ito ay mga babae at mga bata.
Ayon naman kay P. Dekavadiya, head of police sa Morbi, na higit 130 katao rin ang nailigtas.
Ang tulay sa Machchhu river na nasa 200 kilometro (120 milya) sa kanluran ng Ahmedabad, na main city ng Gujarat, ay ilang araw pa lang na nagbukas bago ang insidente makaraang sumailalim sa ilang buwang pagkukumpuni.
Iniulat ng Broadcaster NDTV na muling binuksan ang tulay noong Miyerkules pagkatapos ng pitong buwang pagkukumpuni, kahit na walang safety certificate at ang video footage na kuha noong Sabado ay nagpapakitang gumegewang ito.
Batay sa mga ulat, ang suspension bridge, na 233 metro (764 talampakan) ang haba at 1.5 metro ang lapad, ay pinasinayaan noong 1880 ng British colonial authorities at yari sa mga materyales na mula sa England.
Agad namang naglunsad ng isang rescue operation ang mga awtoridad kasunod ng insidente, kung saan nagdeploy sila ng mga bangka at divers upang hanapin ang mga nawawala. Kasama rin sa rescue operation ang dose-dosenang mga sundalo mula sa Indian Army at Navy.
Plano rin ng mga awtoridad na itigil ang pagsu-suplay ng tubig sa ilog mula sa kalapit na check dam at gumamit ng mga pump para alisan ng tubig ang ilog, upang mapabilis ang search operation.
Sinabi ni Yadav, na naglunsad na ang District police ng imbestigasyon laban sa contractor ng tulay. Bumuo ang estado ng isang five-member team para siyasatin ang trahedya.
Inanunsiyo naman ni Prime Minister Narendra Modi, na nasa Gujarat nang mangyari ang aksidente na magbibigay ang gobyerno ng kompensasyon para sa mga nasawi at nasaktan.
© Agence France-Presse