Hindi bababa sa 20 nakatakas sa kulungan sa Syria, matapos ang lindol
Nag-alsa ang mga bilanggo sa isang kulungan sa hilagang-kanluran ng Syria nitong Lunes kasunod ng nangyaring lindol, kung saan hindi bababa sa 20 ang nakatakas sa kulungan na ang karamihan sa mga nakakulong ay mga miyembro ng Islamic State group.
Ang military police prison sa bayan ng Rajo malapit sa Turkish border ay kinaroroonan ng nasa 2,000 mga bilanggo, na ang nasa 1,300 ay hinihinalang IS fighters, ayon sa source ng naturang pasilidad. Dito rin nakakulong ang Kurdish-led fighters.
Sinabi ng opisyal sa Rajo jail na kontrolado ng pro-Turkish factions, “After the earthquake struck, Rajo was affected and inmates started to mutiny and took control of parts of the prison. About 20 prisoners fled… who are believed to be IS militants.”
Ayon pa sa source, ang 7.8-magnitude na lindol na sinundan ng dose-dosenang aftershocks sa rehiyon, ay nagdulot ng pinsala sa piitan gaya ng crack sa mga pintuan at dingding.
Sinabi ng British-based Syrian Observatory for Human Rights war monitor, na hindi nito maberipika kung may mga bilanggong nakatakas, ngunit kinumpirma na nagkaroon nga ng pag-aalsa.
Ang insidente sa Rajo ay nangyari, pagkatapos ng IS attack noong Disyembre sa isang security complex sa dating de facto Syrian capital ng Raqa, na ang layunin ay patakasin ang mga kapwa jihadists mula sa isang kulungan doon.
Anim na miyembro ng Kurdish-led security forces na kumukontrol sa lugar ang nasawi sa nabigong pag-atake.
Ang hidwaan sa Syria ay nagsimula noong 2011 sa brutal na panunupil sa mapayapang mga protesta, kung saan halos kalahating milyong katao ang namatay, at sanhi upang humigit-kumulang sa kalahati ng populasyon ng bansa ang lumisan sa kanilang tahanan na ang karamihan ay nagkanlong sa Turkey.
© Agence France-Presse