Hindi pa nagagamit na pondo sa Bayanihan 1 at 2 , paiimbestigahan
Paiimbestigahan ni Taguig Pateros Congressman Alan Peter Cayetano kung paano ginamit ang mga pondo sa Bayanihan 1 at 2 na layong bawasan ang matinding impact ng COVID-19 pandemic.
Maghahain raw siya ng resolusyon para mabusisi ito ng Kamara.
Isa sa nais tingnan ng mambabatas ang apat na bilyong pisong inilaan sa Department of Education pambili ng sampung libong tablets at laptop.
Sampung buwan aniya matapos mapagtibay ang batas, wala pa syang nakikitang ipinamahagi ng DEPED.
Sa ilalim ng Bayanihan to heal as one law, pinayagan ng Kongreso ang gobyerno na mag re -align ng 275 billion pesos sa 2020 national budget habang 165.5 billion pesos ang inilaan sa Bayanihan 2 na layong tugunan ang problema sa pandemya.
Sinabi ng Kongresista na dapat munang malaman kung ano pa ang plano sa mga nakabinbing pondo sa ilalim ng dalawang batas na tinatayang aabot pa sa 23 billion pesos.
Isa na rito ang pondo ng Department of Social Welfare and Development na para sa ayuda sa mga mahihirap na pamilya na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos.
Dismayado rin ito sa kabagalan ng vaccination program gayong me sapat na pondo na para dito.
Wala raw kasing malinaw na plano lalo na sa mga probinsyang walang sapat na pondo para makabili ng bakuna.
Sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo inaasahan ng Kongresista na masisimulan ang pagdinig sa isyu.
Meanne Corvera