Hindi pagdalo ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa SONA ni Pangulong Duterte iginagalang ng Malakanyang
Nirerespeto ng Malakanyang ang desisyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino na huwag dumalo sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar nasa dating Pangulo naman ang pasya kung tatanggapin o tatanggihan ang imbitasyon ng Malakanyang bilang bahagi ng protocol sa mga dating Pangulo ng bansa.
Inihayag ni Andanar na lahat naman ng naging Pangulo ay pinadalhan ng imbitasyon na kinabibilangan nina dating Pangulong Fidel V. Ramos Joseph Estrada gayundin si Pampanga Representative Gloria Arroyo.
Ito na ang ikalawang pagkakataong hindi dadalo si dating Pangulong Aquino sa SONA ng Pangulong Duterte.
Samantala, inihayag ni Andanar na pagkatapos ng SONA ng Pangulo ay magpapatawag ito ng Press Conference.
Ito ang unang pagkakataon na ang sitting President ay magpapatawag ng Press Conference pagkatapos ng SONA.
Ulat ni: Vic Somintac