Hindi pagsingil ng basic charge sa April billing ng Manila Water, hindi sapat ayon sa Makabayan bloc sa Kamara
Pinuri ng Makabayan bloc sa Kamara ang desisyon ng Manila Water na alisin ang basic charge sa April billing ng kanilang mga kostumer.
Ito ay matapos maghain ng petisyon ang Makabayan bloc kahapon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS para papanagutin ang Manila Water sa halos 2 linggong walang supply ng tubig sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kina Bayan Muna, Chairman Neri Colmenares at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, isang magandang simula ang hakbang na ito ng water concessionaire.
Pero agad ding nilinaw ng dalawa na hindi pa rin ito sapat dahil kailangan tiyakin ng Manila Water na ayusin ang kanilang pipelines upang maiwasan ang leakages at mapababa ang kanilang system loss.
Giit pa ng mga ito na dapat itigil ng Manila Water ang pagsusulong sa Kaliwa dam project na malinaw namang may masamang epekto sa kalikasan at upang mapawi ang duda na artificial water shortage lang ang nangyari para maitulak ang nasabing dam project.
Binigyang diin din ni Zarate na bukod sa pag-waive sa April billing ng basic charge ay dapat pa ring bayaran ang pinsalang isinulot ng water shortage sa mga kostumer na naapektuhan ang trabaho, negosyo at iba pa.
Nais din nito na itigil ng water concessionaire ang pagkolekta ng rate increase na ipinatupad noong nakalipas na taon.
Tuloy rin anila ang pag-akyat ng kaso sa korte kahit alisin sa April billing ang basic charge.
Ulat ni Eden Santos
Tuloy ang pag-akyat ng kaso sa korte laban sa Manila Water kahit alisin sa April billing ang basic charge ayon sa Makabayan bloc.