Hindi pangkaraniwang human case ng bubonic plague kinumpirma ng US
Sinabi ng mga opisyal sa estado ng Oregon sa Estados Unidos, ang tungkol sa kinakaharap nila na isang hindi pangkaraniwang human case ng bubonic plague na malamang na nakuha mula sa isang alagang pusa.
Ang sakit, na ikinamatay ng hindi bababa sa one third ng populasyon ng Europe noong Middle Ages sa panahon ng isang pandemya na kilala sa tawag na “Black Death,” ay hindi karaniwan sa mauunlad na mga bansa at sa ngayon ay maaari nang magamot, subalit namamalagi ang potensiyal na panganib.
Ang pagkakakilanlan sa pasyente sa Deschutes County ay hindi ibinulgar, pero sinabi ng mga opisyal na ginagamot na nila ito at idinagdag na ang pasyente ay malamang na nahawahan ng alaga niyang pusa.
Sinabi ni Dr. Richard Fawcett, Deschutes County Health Officer, “All close contacts of the resident and their pet have been contacted and provided medication to prevent illness.”
Ayon sa mga awtoridad, ang plague symptoms sa mga tao ay nagsisimula ng hanggang sa ikawalong araw matapos ma-expose sa infected animal o flea.
Kabilang sa mga sintomas ang lagnat, pagduduwal, panghihina, panlalamig at pananakit ng kalamnan. Kapag hindi agad na-diagnose, ang bubonic plague ay maaaring mauwi sa septicemic plague, isang impeksiyon sa dugo o kaya ay pneumonic plague, na umaatake sa baga. Ang dalawang ito ay kapwa higit na malala.
Ayon sa pahayag ng mga awtoridad, “Fortunately, this case was identified and treated in the earlier stages of the disease, posing little risk to the community. No additional cases of plague have emerged during the communicable disease investigation.”
Sinabi ng Oregon Health Authority na ang plague ay hindi karaniwan sa lugar, kung saan ang huling kaso ay napaulat noon pang 2015.
Ang Black Death ay nanalasa sa buong Europe noong 14th Century, kung saan may 50 milyong katao ang namatay sa isa sa pinakamatinding pandemya sa kasaysayan ng tao.