Hindi pantay na access sa anti COVID-19 vaccine sa pagitan ng mayayaman at mahihirap na bansa, inireklamo ni Pangulong Duterte sa UN general assembly virtual meeting
Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kapwa lider ng mga bansang kasapi ng United Nations na kondenahin ang planong pagsasagawa na ng booster shots ng anti COVID-19 vaccine ng ilang mayayamang bansa sa mundo.
Sa kaniyang talumpati sa high level debate ng ika-76 na sesyon ng United Nations General Assembly binigyang diin ng Pangulo na sa halos dalawang taon na pananalasa ng pandemya ng COVID 19 lalong lumalalim ang hindi pagiging patas ng sitwasyon ng mga mayayamang bansa kumpara sa mga mahihirap na bansa sa usapin ng access sa bakuna.
Sinabi ng Pangulo tanging ang mga mayayamang bansa lamang ang higit na nakikinabang sa mga bakunang panlaban sa COVID-19 habang ang mga mahihirap na bansa ay nagkakandahirap sa pagkuha ng suplay.
Ayon sa Pangulo nakagugulat ang katotohanan na habang nakaabang na mabigyan ng bakuna ang mga mahihirap na bansa sa mundo pinag-uusapan na ang pagtuturok ng booster shots ng anti COVID 19 vaccine sa ilang mayayamang bansa.
Hinimok din ng pangulo ang mga kapwa lider na suportahan ang covax facility dahil sa pamamagitan nito kahit papaano ay magkakaroon ng libreng supply ng anti COVID -19 vaccine ang mga mahihirap na bansa upang mas maraming buhay ang maililigtas sa patuloy na banta ng pandemya ng corona virus.
Iginiit ng Pangulo sa UN General Assembly na sa pamamagitan ng patas na pamamahagi ng anti COVID-19 vaccine sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap na bansa mapapabilis ang pagbangon ng buong mundo sa epekto ng pandemya ng corona virus sa buhay at kabuhayan ng sangkatauhan.
Vic Somintac