Hinihinalang Kurdish militants inaresto sa Turkey kasunod ng pag-atake sa Ankara
Dose-dosenang hinihinalang Kurdish militants at kanilang mga taga-suporta ang inaresto sa Turkey, matapos masaktan ang dalawang pulis kasunod ng nangyaring pag-atake sa government district sa Ankara, kapitoyo ng bansa.
Ang mga nangyayaring pagsalakay sa magkabilang panig ng timog-silangang Turkey na ang nakararami ay mga Kurdish, ay nangyari dalawang araw matapos akuin ng isang sangay ng PKK na nasa talaan ng terror group ng Turkey at Western allies, ang responsibilidad sa nangyaring pag-atake noong Linggo.
Sa nabanggit na pag-atake ay binaril at napatay ng Turkish police ang isa sa attackers, habang ang isa ay namatay sa isang malinaw na suicide bombing incident sa labas ng interior ministry ng Turkey.
Ang pagsalakay ay naganap ilang oras bago ang pagdalo ni President Recep Tayyip Erdogan sa opening session ng parliyamento.
Sinabi ni Interior Minister Ali Yerlikaya, na 67 “terrorist organisation members” ang idinitini ng security services sa buong 16 na lalawigan ng bansa.
Inihayag naman ng Turkey nitong Martes, na naglunsad sila ng air strikes laban sa hinihinalang PKK rear bases sa mga kabundukan ng hilagang Iraq, kung saan ang una ay ginawa noong Linggo.
Ang PKK ay noong 1984 pa nagsimulang magsagawa ng mga insurhensiya, na ikinasawi na ng libu-libong katao sa Turkey.
Ang isang serye ng matagumpay na Turkish military operations ang nagtulak sa mga ito patungo sa katabing Iraq.
Ang pag-atake ng PKK ay nakasabay ng pagbubukas ng isang Turkish session ng parliyamento kung saan tatalakayin ang tungkol sa pagpapatibay sa aplikasyon ng Sweden upang maging kasapi ng NATO defence alliance.
Ang pagpapatibay ng Turkey ay napigilan ng mga galit kaugnay ng pagtanggi ng pulisya ng Sweden na ipagbawal ang mga martsa ng PKK at ng kanilang mga tagasuporta sa Stockholm.
Naniniwala ang ilang analysts, na maaaring sinusubukan ng PKK na hadlangan ang pagpapatibay ng Turkey dahil ito ay nagbabadya ng pagbuti sa relasyon ng Ankara sa Washington na nagkakaroon na ng tensiyon.
Sinisikap din ng Turkey na himukin ang Estados Unidos na alisin na ang suporta sa Kurdish fighters mula sa YPG group sa Syria. Isang pagbabago sa patakaran na maaaring asahan ng Ankara bilang kapalit ng pagpapatibay nito.
Ang Washington ay umaasa sa YPG sa paglaban sa Islamic State group na Islamists sa rehiyon.
Ngunit para sa Ankara, ang YPG ay isang sister organisation ng PKK.