Hinihinalang smuggled luxury vehicles na nagkakahalaga ng P1.4-B, nadiskubre ng BOC sa mga warehouse sa Pasay City at Parañaque City

0
IMG_20250216_082600_454

Aabot sa P1.4 bilyong halaga ng imported luxury vehicles ang nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa operasyon nito sa mga warehouse sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque.

Kabilang sa mga tumambad sa mga otoridad na pinaniniwalaang smuggled na mga sasakyan ay Ferrari, Lamborghini, BMW, Mercedes Benz, Rolls Royce, Bentley, Range Rover, Maserati at iba pa.

Ikinasa ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang operasyon matapos na makatanggap ng mga litrato ng mga nasabing luxury vehicle na ibinibenta online.

Kinilala ng BOC ang mga seller na AC Che Gong Miao sa Pasay City at TopCar Specialist and Trading Corp. sa Parañaque City.

Ibiberipika ng BOC sa kanilang mga sistema kung legal ang pagpasok sa bansa ng mga luxury car at aalamin kung sinu-sino ang mga tunay na may-ari ng warehouse at iba pang sangkot.

Binigyan din ng BOC ang mga may-ari, kinatawan, umuukopa o sinumang responsable sa warehouse at sa nagpasok ng mga behikulo ng 15 araw para isumite ang mga dokumento na magpapatunay na nagbayad ang mga ito ng tamang duties at buwis.

Mahaharap sa mga kriminal na kaso ang mga ito kapag mabatid na hindi ito nagbayad ng mga karampatang buwis.

Pananagutin din ng BOC ang mga tauhan nito na mapapatunayang nakipagsabwatan sa pagpuslit sa mga sasakyan.

Pinayuhan naman ng kawanihan ang mga bumibili ng mga mamahaling sasakyan na mag-ingat at tiyakin na walang iligal sa biniling luxury vehicle.

Moira Encina- Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *