Hirit na 5 pisong taas-singil sa pamasahe ng grupo ng mga tsuper at operator, hiniling na aprubahan
Nanawagan ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa gobyerno na aprubahan ang petisyon nilang 5 pisong taas-pamasahe kasunod ng nagpapatuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Sa isang panayam, sinabi ni FEJODAP president Ricardo “Boy” Rebaño na nagagalak silang nakapagse-serbisyo sila sa taongbayan ngunit dapat gumawa naman ng aksyon ang pamahalaan sa dinaranas nilang paghihirap dahil sa kakarampot na kita na naiuuwi ng mga driver at operator sa kanilang pamilya.
Sa Martes, Marso 1 ay nakaamba na naman ang panibagong taas presyo sa mga produktong petrolyo na maaaring pumalo sa P1.00 ang kada litro ng gasolina.
Marso 8 aniya ay nakatakdang dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang petisyon sa P5 fare increase.
Ayon kay Rebaño, malaking tulong na sa kanila kung maaaprubahan ng pamahalaan ang kanilang petisyon.
Sakali namang maibaba na sa Alert Level 1 ang quarantine status sa Metro Manila sa Marso ay madaragdagan na rin ang kanilang kinikita dahil lalaki na ang kapasidad ng mga pasahero.