Hiwalay na kulungan para sa Muslim PDLs, iminungkahi sa BuCor
Ipinanukala ng Office of the Presidential Adviser on Muslim Affairs sa Bureau of Corrections (BuCor) ang pagkakaroon ng hiwalay na piitan para sa Muslim Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Sa pakikipagpulong ni Presidential Adviser on Muslim Affairs Almarim Tillah kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., sinabi ni Tillah na malaki ang magiging benepisyo nito lalo na sa pagpreserba sa kultura ng mga Muslim sa loob ng kulungan.
Ayon pa kay Tillah, mas magigjng maayos ang pangangasiwa sa kulungan at mas mababawasan ang panganib ng karahasan at kaguluhan.
Sinabi naman ni Catapang na ipapabatid niya kay Justice Secretary Crispin Remulla ang panukalang hiwalay na pasilidad sa mga Muslim.
Sa tala ng BuCor, nasa 2,803 ang populasyon ng Muslim PDLs sa lahat ng penal colonies.
Mula sa nasabing bilang, 1,039 ay nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP), 661 sa Davao Prison and Penal Farm, 647 sa Sablayan Prison and Penal Farm, 207 sa Correctional Institution for Women, 135 sa Iwahig Prison and Penal Farm, 87 sa San Ramon Prison and Penal Farm at 27 in Leyte Regional Prison.
Umaabot naman sa 657 Muslim PDLs ang napalaya sa panahon ni Remulla.
Moira Encina