Hollywood A-listers nag-donate ng milyun-milyon para tulungan ang nagwewelgang mga artista
Mula kay George Clooney hanggang kay Meryl Streep, maraming bituin sa Hollywood na kabilang sa A-listers o yaong may pinakamalalaking kita, ang nag-donate ng isang milyong dolyar bawat isa o higit pa upang suportahan ang mga artistang walang trabaho dahil sa welga na nasa ika-apat na linggo na.
Ang welga ng Screen Actors Guild (SAG-AFTRA), at ang isa pang welga ng film and TV writers na nagsimula noong Mayo kaugnay ng isyu sa bayad at banta ng artificial intelligence, ay nagpahinto sa film at television production sa US.
Ang Hollywood “double strike” ng mga manunulat at mga artista – na una pa lamang na nangyari mula 1960 – ay ikinalugi na ng entertainment industry at ng California economy ng ilang milyong dolyar bawat araw, at sanhi rin upang walang kitain ang mga nagwewelga.
Subali’t ang mayayamang A-list celebrities, mula kay Clooney at Streep hanggang kina Matt Damon, Leonardo DiCaprio at Dwayne “The Rock” Johnson, maging sina Nicole Kidman, Julia Roberts, Oprah Winfrey at iba pa, ay nag-donate ng isang milyong dolyar o higit pa sa SAG-AFTRA Foundation actors’ support fund.
Photo courtesy of AFP
Sa isang pahayag ay sinabi ng nonprofit foundation, na nakatipon na sila ng higit sa $15 milyon sa nakalipas na tatlong linggo, upang tulungan ang “libu-libong mga manunulat at artista” na nahaharap sa problemang pang-pinansiyal.
Sinabi ni Courtney B. Vance, presidente ng foundation, “The entertainment industry is in crisis and the SAG-AFTRA Foundation is currently processing more than 30 times our usual number of applications for emergency aid.”
Dagdag pa ni Vance, “The organization’s aid program is meant to ensure that performers in need don’t lose their homes, have the ability to pay for utilities, buy food for their families, purchase life-saving prescriptions, cover medical bills and more.”
Ayon sa ulat, bagama’t malaki ang ibinabayad sa ilang mga artista, sinabi ni SAG-AFTRA president Fran Drescher na 86 porsiyento ng 160,000 miyembro ng unyon ang wala pang $26,500 ang kinikita bawat taon.
Dahil sa welga, natigil ang movie productions, wala nang marangyang premieres, at ang mga event gaya ng Emmys ay ipinagpaliban dahil ang mga artista ay bawal mag-promote ng TV shows.
Photo courtesy of AFP
Ang demand ng unyon ay natuon sa mas mataas na bayad sa streaming era at sa banta sa career ng mga miyembro at sa kanilang ikabubuhay sa hinaharap ng artificial intelligence, habang sinasabi naman ng mga studio na kailangan nilang magbawas ng gastusin dahil sa “economic pressures.”
Bagama’t ang unyon ng mga manunulat ay mukhang handa nang bumalik sa negosasyon, wala pa ring napagkakasunduan ang mga artista at mga pangunahing kumpanya tulad ng Netflix at Disney, na kinakatawan ng Alliance of Motion Picture and Television Producers (AMPTP).
Ayon kay SAG-AFTRA chief negotiator Duncan Crabtree-Ireland, “We have not heard from the AMPTP since July 12 when they told us they would not be willing to continue talks for quite some time.”