Honey Lacuna, nahalal na kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Maynila ay isang babae ang nahalal na alkalde ng lungsod.
Naiproklama na ng Manila City Board of Canvassers si incumbent Vice- Mayor Honey Lacuna bilang nanalong alkalde ng Maynila.
Si Lacuna na isa ring doktor ay nakakuha ng 538,595 boto.
Aabot sa mahigit 371,000 ang lamang niya sa pinakamalapit na katunggali na si Atty. Alex Lopez na may 166,908 boto.
Tumakbo si Lacuna sa ilalim ng partidong Asenso Manileño ni Mayor Isko Moreno.
Nagsilbi si Lacuna na konsehal ng lungsod mula 2004 hanggang 2014 at doktor sa city health office mula 1995 hanggang 2004.
Naging bise- alkalde rin siya ni dating pangulo at Manila Mayor Erap Estrada noong 2016.
Naging direktor din siya ng social welfare department ng lungsod noong 2013.
Anak siya ni dating Manila Vice-Mayor Danilo Lacuna Sr.
Sa kanyang pangangampanya, tiniyak ni Lacuna na ipagpapatuloy nito ang mga proyekto na nasimulan na ni Moreno at mas pagbubutihin pa ang health programs ng lungsod.
Iprinoklama rin ng city board of canvassers ang runningmate ni Lacuna si Yul Servo Nieto na nagwaging bise-alkalde ng Maynila.
Ilan pa sa mga naiproklama ang mga nanalong konsehal at kongresista sa anim na distrito ng Maynila.
Moira Encina