House Ethics Committee aaralin ang panibagong suspensyon kay Cong. Teves
May hanggang Mayo 22 ng taong ito si suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. para umuwi sa bansa.
Ito rin ang huling araw ng 60-day suspension na ipinataw sa kaniya ng Kamara de Representante.
Kung mabibigo siyang magpakita sa Kongreso, sinabi ng House Ethics Committee na posibleng patawan siya ng panibagong sanction gaya ng pagpapalawig sa kaniyang suspension.
Sinabi ni House Ethics Committee chairman Congressman Felimon Espares na magpupulong ang panel para talakayin ang susunod na hakbang laban kay Teves sakaling patuloy itong magtatago sa ibang bansa.
Sinuspinde ng kaniyang mga kasamang kongresista si Teves dahil sa ‘disorderly behavior’ kaugnay sa pagtanggi nitong umuwi sa bansa kahit nag-paso na ang kaniyang travel authorization at pagsuway sa Kamara na nakakasira sa dignidad ng kapulungan.
Partikular na nilabag ni Teves ang Section 142(a) ng House Rules on the Code of Conduct for incumbent congressmen.
Sinabi ni Espares na posibleng patawan ng panibagong suspension order si Teves kung mabibigong mag-report sa session ng Kamara para gampanan ang kanyang legislative duty kapag natapos na kaniyang suspensyon.
Inihayag ni Espares na hindi inaksiyunan ng Ethics Committee ang sulat ni Pamplona Negros Oriental Mayor Janice Degamo, asawa ng pinaslang na Negros Oriental Governor Roel Degamo na humihiling na patalsik si Teves bilang miyembro ng 19th congress dahil hindi pumasa sa rules at requirements ng Ethics Committee ang kahilingan ng biyudang alkalde.
Dahil sa suspension order ng Ethics Committee kay Teves, uma-aktong caretaker ng 3rd congressional district ng Negros Oriental si House Speaker Martin Romualdez.
Vic Somintac