House Speaker Martin Romualdez nagpatawag ng Consultative Meeting sa pagitan ng Kamara at mga Oil Firm Executives
Nagkaharap ang mga kongresista at mga opisyal ng iba’t ibang kumpanya ng langis para sa isang consultative meeting.
Ang pulong ay idaraos sa Batasan Complex sa Quezon City ngayong araw na pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez, kasama ang mga opisyal ng Department of Energy, Department of Finance, House Committee on Energy, House Committee on Ways and Means at mga malalaking oil players sa bansa.
Ayon kay Romualdez, hahanap ng win-win solution kaugnay walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nagdudulot ng pagtaas ng mga bilihin na nakakaapekto na sa buhay ng bawat mamamayan.
Inihayag ng liderato ng Kamara na minabuting kausapin na ang mga kumpanya ng langis at talakayin ang mga paraan o suhestyon kung papaano mababawasan ang pasanin ng publiko.
Plano ng Kamara na isa sa maaaring gawin ay ang pagrepaso o kaya’y suspensyon ng koleksyon ng excise tax at Value Added Tax o VAT sa langis at iba pang petroleum products, depende sa plano ng Malakanyang matapos maisumite ang report sa resulta ng dayalogo sa mga oil firm executives.
Batay sa record ang sinisingil ng gobyerno na excise tax sa langis ay 10 percent sa gasolina, 6 percent sa diesel, 5 percent sa kerosine at 3 percent sa liquified petroleum gas o LPG.
Vic Somintac