House Speaker Romualdez,umapela sa Senado na igalang ang Parliamentary Courtesy sa isyu ng Chacha
Hiniling ni House Speaker Martin Romualdez sa liderato ng Senado na igalang sana ang tinatawag na parliamentary courtesy sa isyu ng Charter change o Chacha.
Ginawa ni Romualdez ang panawagan matapos umani ng ibat-ibang batikos mula sa mga Senador kaugnay ng isinusulong na Chacha sa pamamagitan ng People’s Initiative sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Romualdez ang usapin sa pag-amyenda sa saligang batas ay matagal ng pinag-uusapan kahit sa mga nakalipas na Kongreso subalit hindi ito nagtatagumpay.
Inihayag ni Romualdez, malinaw ang posisyon ng Kamara sa usapin ng Chacha dahil handang sumuporta ang mga Kongresista kung ang nais ng Senado ay idaan sa Constituent Assembly ang pagbabago sa economic provision ng konstitusyon.
Binigyang diin ni Romualdez na suportado ng Kamara ang Senate house resolution number 6 na iniakda mismo ni Senate president Juan Miguel Zubiri na naglalayong amyendahan ang economic provision ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Kaugnay naman ng pangangalap ng pirma para sa Chacha via People’s Initiative na kukuwestiyunin ng ilang Senador sa Korte Suprema sinabi ni Romualdez na alam naman ng mga Senador ang batas na walang kinalaman ang mga mambabatas sa People’s Initiative dahil ito ay kagustuhan ng taongbayan.
Vic Somintac