Huling disqualification case vs BBM, ibinasura ng Comelec
Matapos ang matagal na paghihintay, sa wakas inilabas na rin ng Commission on Elections ang resolusyon nito sa huling disqualification petition na nakahain laban kay Presidential candidate Bongbong Marcos.
Ito na ang huling petisyon na naihain sa Comelec na layong madiskwalipika si Marcos sa Presidential race.
Bagamat may nakasampang mosyon ang ilang kontra Marcos, ito naman ay nasa Comelec en banc, kung saan inihihirit nilang mabaliktad ang desisyon ng dalawang dibisyon ng poll body.
Ang huling petisyon na ito, inihain ng nagpakilalang grupo umano ng mga ilokano.
Pero, gaya ng iba pang petisyon laban kay Marcos, nakabatay rin ito sa naging desisyon ng Quezon city Regional trial court na pinagtibay ng Court of Appeals patungkol sa kabiguan nitong magbayad ng income tax mula 1982 hanggang 1985.
Iginigiit ng mga petitioner na ang kaso ay kinasasangkutan ng moral turpitude kaya dapat itong madiskwalipika sa pagtakbo sa posisyon sa gobyerno.
Sa resolusyon ng Comelec 1st division, sinabi nito na hindi sila kumbinsido sa argumento ng mga petitioner.
Ayon sa poll body, mismong ang Korte suprema sa Republic of the Philippines laban kay Ferdinand “Bongbong” Marcos II at Imelda Marcos ang nagsabi na ang kabiguang magbayad ng income tax return ay hindi isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Pinuna rin ng Comelec commissioners ang nilalaman ng petisyon na bagamat nakaangkla sa desisyon ng CA sa Marcos tax case, ang laman naman ay pawang nakabatay sa sariling konklusyon ng mga ito sa nasabing desisyon.
Taliwas din sa iginigiit ng mga petitioner, iginiit ng Comelec 1st division na walang tax evasion na nangyari.
Nilinaw rin ng Comelec 1st division na hindi maituturing na perpetually disqualified si Marcos sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno si Marcos dahil sa naging conviction rito ng korte.
Ang resolusyon, inaprubahan nina Comelec commissioner Socorro Inting, Presiding commissioner ng 1st division, at mga miyembro na sina Commissioners Aimee Ferolino at Aimee Neri.
Bilang reaksyon sa resolusyon ng Comelec, sinabi ni Atty. Victor Rodriguez, Chief of staff at Spokesman ni BBM, na panahon na para sa bawat Filipino na magtrabaho para matiyak ang isang malinis, tapat, credible at patas na halalan at hayaang marinig ang boses ng taong bayan.
Madelyn Villar-Moratillo