Hygiene facility sa Camp Crame, pinasinayaan ng PNP
Pinangunahan ni Pol. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng Phil. National Police ang inagurasyon ng bagong tayong multi-faucet hygiene facility, na nasa General delos Reyes st., cor. Col. Serrano st., sa Camp Crame, Quezon City.
Ang multi-faucet hygiene facility na pinasinayaan ngayong araw ay kaugnay ng Sabi ni ‘Nay Maghugas ng Kamay, Lingap Kapulisan Program ng PNP, isang proyektong sinimulan ng Officers’ Ladies Club (PNP-OLC) sa pangunguna ng adviser nito na si Mrs. Rosalie “Lally” Hernandez Eleazar, maybahay ni PNP Chief Gen. Eleazar, sa pakikipagtulungan ng Manila Water Foundation, Incorporated (MWF) at ng Soroptomist International Kaagapay.
Makalipas ang higit tatlong buwan, 17 hygiene facilities ang matagumpay na pinasinayaan sa 17 Police Regional Offices sa buong bansa, na ang pangunahing layunin ay mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus at iba pang nakahahawang mga sakit, laluna sa pagganap ng sinumpaan nilang tungkulin sa kani-kanilang workplace.
Ayon kay Gen. Eleazar . . . “Itong pasilidad ay malaking tulong para sa ating mga kapulisan ganun din sa mga kababayan natin na dumudulog sa ating tangganapn upang masiguro natin ang kanilang kaligtasan at proteksiyon laban sa COVID-19 virus at mapigilan natin ang pagkalat nito.”
Kasabay ng inagurasyon ay ang turnover ng hygiene supplies na donasyon ng Procter and Gamble Philippines.
Sinabi ni Gng. Eleazar, na ang hygiene facilities na itinayo sa 18 kampo ng PNP sa buong bansa, ang bahagi ng PNP-OLC sa responsibilidad sa pagsusulong ng malinis, ligtas at malusog na kapaligiran para sa lahat, hindi lamang sa panahon ng pandemya kundi dapat na maging isang “good practice every day.”
Aniya . . . “Today, we feel delighted to celebrate and share with you this momentous event of our journey, in this program as we officially handover the 18th and last hygiene facility to mark the completion of our project.”