IACAT palalakasin ang kanilang regional task forces para maproteksyunan ang IPs at iba pang vulnerable groups laban sa human traffickers
Lalo pang palalakasin ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang regional task forces nito sa harap ng pagkakasagip sa mahigit 300 Badjao sa Maynila na nagmula sa Zamboanga City.
Sa isang statement, sinabi ng IACAT na rerebyuhin din nito ang mga umiiral na travel at security measures sa mga entry points bilang proactive at preventive approah laban sa trafficking.
Ito ay para epektibong maipatupad ang mga anti-trafficking laws at mas maproteksyunan ang mga indigeneous people at iba pang vulnerable groups sa mga human traffickers.
Ayon sa IACAT, 232 sa 303 na na-rescue ng mga otoridad sa Manila North Harbor ay naibiyahe na pauwi sa Zamboanga City.
Naiwan ang 71 sa mga IPs at nananatili sa temporary shelter sa Quezon City.
Mula sa 71, apat ang nagpositibo sa COVID-19 na nasa isolation facility kasama ang 23 iba pang Badjao na close contacts.
Ang nalalabing 44 na IPs ay nabatid na may lehitimong travel purposes at tinutulungan na ng DSWD at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Una nang inatasan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang IACAT na imbestigahan ang mga nasa likod ng pagbiyahe sa Maynila ng mga Badjao.
Batay sa inisyal na inimbestigasyon, isang undisclosed individual ang nag-sponsor sa transportasyon ng mga IPs patungong Metro Manila.
Moira Encina