IATF, naglabas ng updated border control guidelines para sa mga inbound passenger mula sa green at yellow list countries
Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang updated testing at quarantine protocol na ipatutupad sa mga inbound passengers na magmumula sa sa green at yellow list countries bilang bahagi ng COVID-19 border control ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kailangang mag-facility based quarantine ang mga fully vaccinated hanggang sa lumabas ang negative result ng kanilang COVID-19 RT PCR test na isasagawa sa ika-5 araw at kung negatibo ang test result ay home quarantine hanggang sa ika-10 araw na magsisimula sa araw ng pagdating sa bansa.
Ayon kay Roque ang mga hindi naman bakunado o isang dose pa lamang ang bakuna ay kailangang mag-facility based quarantine hanggang lumabas ang negative COVID-19 RT PCR test result na isasagawa sa ika-7 araw at kung negatibo ang resulta ay itutuloy ang quarantine sa bahay hanggang matapos ang 14 na araw.
Inihayag ni Roque para naman sa mga dayuhang inbound passenger kailangang makakuha sila ng pre-booked accomodation para sa kanilang quarantine ng hindi bababa sa 8 araw para sa mga hindi fully vaccinated at di bababa sa 6 na araw para sa mga fully vaccinated at kailangang magpakita ng digital vaccination certificate mula sa bansang pinagmulan.
Mahigpit namang imomonitor ng Bureau of Quarantine ang anumang sintomas ng COVID-19 ng sinumang dayuhan na pumasok sa bansa.
Vic Somintac