Iba’t ibang grupo ng health care workers, nagprotesta sa tanggapan ng DOH
Nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Health ang ibat ibang grupo ng health care workers.
Ito ay bilang pagkondena sa pagkakatalaga kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Camilo Cascolan, bilang undersecretary ng DOH.
Giit nila, mapanganib at hindi katanggap-tanggap ang appointment ni Cascolan sa DOH, sa dami umano ng mga mahuhusay at kwalipikadong doktor at health experts sa bansa.
Ayon kay Health Alliance for Democracy Sec. Gen. Albert Pascua, nasa pandemya pa ang bansa, ang dapat umano ay inuna ang pagtatalaga ng kalihim ng DOH.
Giit naman ni Dr. Eleanor Jara, ang problema kay Cascolan ay iba ang orientasyon nito bilang isang militar.
Ayon kay DOH OIC Ma Rosario Vergeire, sa ngayon ay wala pa silang naibibigay na assignment kay Cascolan pero nakausap na raw nila ito.
Bilang sagot naman sa panawagan ng mga health worker na magtalaga na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ng kalihim ng DOH, iginiit ni Vergeire na nagagawa naman nila ang trabaho sa ngayon kaya walang dapat na ikabahala ang publiko.
Ayon kay Vergerie, “Hindi natin kailangang mag-agam-agam. Ginagawa natin lahat so we can serve the Filipino people.”
Madelyn Villar Moratillo