IBP idinipensa ang COA sa mga pagbatikos sa audit report nito ukol sa paggamit ng DOH sa COVID-19 funds
Tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas ng Commission on Audit (COA) na suriin ang lahat ng mga accounts kaugnay sa mga paggastos at paggamit ng gobyerno at mga ahensya nito sa pera ng taumbayan.
Ito ang iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) matapos na paratangan ni Health Sec. Francisco Duque III ang COA na sinira ang dangal ng DOH sa paglabas nito sa audit report na nagsasabing may “deficiencies” sa paggamit nito ng nasa Php67 billion na COVID-19 funds.
Sa statement ng IBP Board of Governors, sinabi na sa halip na batikusin ang COA at ang mga auditors nito ay makipagtulungan na lamang dito ang DOH at ipaliwanag ang mga sinasabing kakulangan at magsumite ng mga documentation o supporting papers sa kanilang paliwanag.
Ayon sa IBP, key element sa good governance ang public auditors at gumaganap ng mahalagang serbisyo sa mamamayan na ipaalam kung papaano ginagasta ang pera ng mga ito.
Binigyang-diin ng IBP na may eksklusibong otoridad ang COA na magpatupad ng mga panuntunan, techniques at pamamaraan para maiwasan at ma-disallow ang mga irregular, unnecessary, sobra-sobra, at extravagant na mga paggasta.
Anila ginagampanan lamang ng COA ang tungkulin nito sa Konstitusyon kapag naglabas ito ng audit report.
Ayon pa sa IBP, walang malisya sa COA report at batay lamang ito sa sariling rekord ng pamahalaan.
Ang anumang bahid anila ng kurapsyon na magmumula sa COA report ay hindi kasalanan ng mga auditor na ginagawa lamang ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Moira Encina