IBP iginiit na walang legal na batayan ang pag-aresto sa mga ayaw magpabakuna
Nanindigan ang liderato ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na walang legal na basehan ang pag-aresto at pagkulong sa mga taong tatangging magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay IBP National President Domingo Egon Cayosa, wala pang batas na nagpaparusa sa sinumang ayaw magpaturok.
Dahil dito, wala aniyang batayan para arestuhin ng mga otoridad ang mga tatanggi sa anti-COVID vaccines.
Una na ring sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na isang “legal choice” ang pag-ayaw sa bakuna dahil walang batas na naguutos at nagoobliga para magpaturok laban sa COVID.
Pero, kinontra naman ito ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at sinabing hindi na kailangan ng batas para obligahin ang mamamayan na magpaturok.
Ang isyu ay sa harap ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapaaresto niya ang mga aayaw sa bakuna.
Moira Encina