IBP nanawagan ng nationwide effort para protektahan ang mga abogado
Nais ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na magkaroon ng pangbuong bansang pagsisikap para protektahan ang mga abogado at hukom sa bansa.
Ang panawagan ay sa harap ng pagpaslang kay Atty. Juan Macababbad mula sa South Cotabato noong Miyerkules, Setyembre 15.
Si Macababbad ay binaril ng dalawang hindi pa kilalang salarin sa labas ng bahay nito sa Surallah, South Cotabato noong Miyerkules ng hapon.
Sa statement ni IBP National President Burt Estrada, sinabi na hindi na maipagwawalang-bahala ang dumaraming insidente ng pagpatay sa mga abogado sa bansa.
Aniya may mandato ang mga abogado na hangarin ang hustisya at kailangan nila itong magawa nang walang takot ng karahasan o paghihiganti.
Umapela ang grupo sa pulisya at investigative agencies na magpatupad ng mga hakbangin para mapagbuti ang seguridad ng mga abogado, hukom at piskal at bilisan ang pagresolba sa mga imbestigasyon sa mga pamamaslang.
Patuloy naman aniyang makikipagtulungan ang IBP sa Korte Suprema, DOJ, NBI, at PNP sa pagtugon at pagpigil sa pagdami ng pag-atake sa mga nasa legal profession.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang IBP sa pamilya at mga kaibigan ni Macabbabad.
Tiniyak ng IBP na tutulong ito sa pagbabantay ng imbestigasyon at prosekusyon ng kaso para matukoy at maparusahan sa ilalim ng batas ang mga nasa likod ng krimen.
Moira Encina