IBP, nanindigan sa Writ of Kalikasan case na inihain ng mga abugado nito kaugnay sa Marine Environment sa West Philippine Sea
Nagpahayag ng suporta ang liderato ng Integrated Bar of the Philippines sa mga abogado nito na inakusahan ng panlilinlang sa writ of kalikasan case kaugnay sa isyu ng marine environment sa Scarborough Shoal, Ayungin Shoal at Panganiban Reef.
Sa isang statement, sinabi ni IBP President Atty. Domingo Egon Cayosa na naninindigan sila sa panig ng mga IBP lawyers at sa iba pang mga abogado na kumatawan sa mga mangingisda na naghain ng writ of kalikasan case laban sa gobyerno.
Sa oral arguments ng Supreme Court, isinumite ni Solicitor General Jose Calida ang mga sinumpaang salaysay ng 19 na mangingisda kung saan inihayag ng mga ito na wala silang kinalaman sa petisyon at iniaatras na nila ang lagda nila sa kaso.
Kaugnay nito, hiniling din ni Cayosa sa Korte Suprema na bigyan sila ng panahon para makausap ang mga mangingisdang petitioners mula sa Palawan at Zambales upang makagawa sila ng nararapat na hakbang sa development ng kaso.
Ulat ni Moira Encina