IBP pinuri ang commitment ng SC na istriktong sundin ang 24-month rule para resolbahin ang mga kaso
Ikinalugod ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang desisyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema na mahigpit nang tuparin ang nakasaad sa Saligang Batas na 24 na buwan para madesisyunan ang kaso.
Sa statement ni IBP National President Atty. Domingo Egon Cayosa, sinabi nito na suportado nila ang nasabing commitment ng mga mahistrado sa pangunguna ni Chief Justice Alexander Gesmundo.
Aniya ang pagsunod sa itinakdang deadlines ng Konstitusyon ng lahat sa hudikatura ay isang paraan para makamit ang Justice Bilis.
Umaasa ang IBP na mahihikayat nito ang iba pang trial at appellate courts na may mas maikling dealine para resolbahin ang mga kaso.
Pinurin rin ng IBP ang planong pagrebyu ng Korte Suprema sa mga umiiral na rules at remedies sa hukuman upang matiyak na napuprotektahan ang karapatan ng mga mamamayan mula sa mga pag-abuso.
Una nang inihayag ni Gesmundo na ang lahat ng kaso at petisyon na inihain sa SC pagkatapos ng April 5 ay pagpapasyahan nila sa loob ng 24 na buwan mula nang ito ay maihain bilang pagtugon sa isinasaad sa Saligang Batas.
Moira Encina