IBP umaasang agad nang mailalabas ng mga otoridad ang guidelines sa paggamit ng body cameras ng PNP sa pagsisilbi ng warrants

Ikinalugod ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pahayag ni bagong PNP Chief Guillermo Eleazar na handa nitong ipatupad sa kanyang termino ang pagsusuot ng body cameras ng mga pulis.

Sinabi ni IBP National President Domingo Egon Cayosa na hakbang sa tamang direksyon ang paggamit ng body cameras ng mga pulis sa pagsisilbi ng warrant of arrest.

Magagamit na rin aniya ang mga dati nang nabiling body cameras kapag inilunsad na ito.

Ayon pa kay Cayosa, magsusulong ito ng transparency at accountability sa hanay ng pulisya.

Courtesy: IBP

Naniniwala rin ang opisyal na makatutulong ang body cameras para mapigilan ang pag-abuso sa pagsisilbi ng warrants at mapuproteksyunan din ang mga pulis mula sa mga walang basehang paratang.

Tiwala rin ang IBP na ang paggamit ng nasabing teknolohiya ay maghihikayat sa mga alagad ng batas na sundin ang rule of law.

Umaasa si Cayosa na sa lalong madaling panahon ay maglalabas na ang mga kinauukulang otoridad ng mga panuntunan sa implementasyon ng body camera sa mga operasyon ng pulisya.

Una nang sinabi ni Eleazar na handang-handa na ang PNP sa paggamit ng body cameras at hinihintay na lamang nito ang protocols na ilalabas ng Korte Suprema.

Noong Marso, inihayag ng Korte Suprema na sinimulan na nito ang deliberasyon sa promulgasyon ng guidelines sa paggamit ng body camera sa pagsisilbi ng search at arrest warrants.

Moira Encina

Please follow and like us: