ICC, nangangambang malabag ang humanitarian law sa Afghanistan
THE HAGUE, Netherlands (AFP) – Nagpahayag ng pag-aalala ang International Criminal Court (ICC), tungkol sa napaulat na mga krimen sa Afghanistan na maaaring magresulta sa paglabag sa “international humanitarian law.”
Ayon kay chief prosecutor Karim Khan . . . “I have been closely following the current developments in Afghanistan and am most concerned by recent reports of escalating violence in the country.”
Aniya, kabilang sa mga naturang report ang mga alegasyon ng extrajudicial killings sa pamamagitan ng pagpatay sa detainees at mga indibidwal na sumuko, pagpapahirap sa mga babae at mga batang babae, krimen laban sa mga kabataan at iba pang kriminalidad na nakaaapekto sa populasyon ng mga sibilyan.
Bunsod ng biglaang pananakop ng Taliban sa Afghanistan, libu-libong Afghans ang tumakas sa takot na pahirapan sila ng Taliban.
Ang Afghanistan ay pinamunuan ng Taliban mula 1996 hanggang 2001, nang sila ay mapatalsik ng US-led invasion.
Sinabi pa ni Khan na ang alegasyon ng krimen ay posibleng mauwi sa paglabag sa international humanitarian law, na aniya’y maaaring imbestigahan ng kaniyang tanggapan.
Agence France-Presse