Iglesia ni Cristo, nagdiriwang ng ika-109 Anibersaryo
Ipinagdiriwang ngayong Hulyo 27, 2023 ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa buong mundo ang ika-109 na Anibersaryo ng Iglesia sa pagbangon nito sa Pilipinas na ipinangaral ng Kapatid na Felix Y. Manalo, ang kinikilala nila na Sugo ng Diyos sa mga huling araw.
Ang Iglesia Ni Cristo ay nakilala rin dahil sa pagtataguyod ng Christian values, isa na rito ang pagtulong sa kapwa-tao anuman ang sitwasyon ng daigdig.
Sa harap ng naging hamon ng COVID-19 Pandemic, lalong pinaigting ng Iglesia ni Cristo ang pagtulong nito sa kapwa sa pamamagitan ng socio-civic activity na Lingap Sa Mamamayan (Care For Humanity).
Ang Lingap Sa Mamamayan (Care For Humanity), na noon pa ay isinasagawa na ng Iglesia Ni Cristo, ay isinasagawa rin sa iba’t ibang panig ng mundo sa layuning mag-abot ng tulong sa mga kaanib at hindi kaanib ng Iglesia, magbigay ng suporta sa mga nangangailangan anuman ang hamon at estado nila sa lipunan.
Hinahatdan din ng lingap ang mga kababayan nating OFW sa iba’t ibang mga bansa, maging ang mga mamamayan ng ibang lahi, upang maipadama ang pagmamalasakit ng INC sa lahat ng tao, anuman ang katayuan sa buhay.
Ang humanitarian activities na ginagawa ng Iglesia ni Cristo ay kinilala ng iba’t ibang pamahalaan at organisasyon sa buong mundo.
Patuloy rin ang mga proyektong pangkabuhayan na inilunsad ng Iglesia sa Pamamahala ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo.
Kabilang sa mga proyektong ito ang mga pabahay at tulong-kabuhayan sa pamamagitan ng UNLAD International Inc. na nangangasiwa sa mga proyekto gaya ng eco-farming sites, garments factory at iba pa.
Kinakalinga rin ng Iglesia Ni Cristo ang mga kababayang ‘differently-abled’ sa pamamagitan ng pagbibigay oportunidad sa kanila na magkaroon ng hanapbuhay sa ilalim ng Embrace at ang mga kabataang salat sa pagmamahal at pag-aaruga ng mga magulang sa ilalim ng Yakap Orphanage.
Patuloy din ang pagtatayo ng mga bago at konkretong gusaling sambahan dito sa Pilipinas at sa buong mundo na nakikita at hinahangaan ng marami dahil sa magagandang disenyo at katatagan ng mga nasabing istruktura.
Ang mga edipisyong ito ay ginagamit ng Iglesia Ni Cristo sa mga pagsamba at pagtitipon ng mga kaanib.
Samantala, lalo pang nakikilala ang mga gusaling ipinatayo rin ng INC gaya ng EVM Convention Center at Philippine Arena, ang pinalamalaking indoor arena sa mundo.
Ang mga gusaling ito ay nakatutulong sa larangan ng sining, musika at pelikula sa bansa.
Ilan lang ang mga ito sa mga tagumpay na patuloy na ipinagdiriwang ng INC.
Sa kasalukuyan ay nakatatag na ang INC sa 165 na mga bansa at teritoryo sa buong mundo.
Malayo na ang narating ng Iglesia Ni Cristo mula nang ipangaral ito ni Ka Felix Manalo at mairehistro noong July 27, 1914.
Dito sa Pilipinas, deklarado ang July 27, 2023 bilang working holiday sa buong bansa at kinikilala bilang Iglesia Ni Cristo Day.
Weng dela Fuente