Iglesia Ni Cristo, pinarangalan ng Hawaii Governor para sa ika-108 anibersaryo nito
Pinarangalan at kinilala ng gobyerno ng Hawaii ang Iglesia Ni Cristo sa pagsapit nito sa kaniyang ika-108 anibersaryo.
Pinarangalan ni Hawaii Governor David Ige ang INC sa Hawaii state capitol building, kung saan iprinisinta niya sa Church officers ang isang honorary certificate para sa ika-108 anibersaryo ng INC ngayong July 27, 2022. Ang nasabing petsa ay siya ring ika-54 na anibersaryo ng pagkakatatag ng INC sa Hawaii.
Kinilala rin ng gobernador ng Hawaii ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC na si Kapatid na Eduardo V. Manalo, para sa pangangasiwa nito sa Iglesia.
Nakasaad sa honorary certificate . . . “through the current leadership of Executive Minister Eduardo V. Manalo, the Iglesia Ni Cristo remains a strong and active community partner, participating in city and statewide events as well as offering encouragement, care, and support for the people of Hawaii.”
Binanggit sa sertipiko ang unang pagsamba ng INC na isinagawa sa Ewa Beach sa Hawaii 54 na taon na ang nakalilipas, noong July 27, 1968.
Tinukoy din doon kung paanong lumago ang INC mula nang mag-umpisa ito sa Hawaii. Ang Iglesia Ni Cristo sa ngayon ay mayroon nang 27 lokal na kongregasyon sa estadong iyon ng Estados Unidos.
Bukod sa gobernador ng Hawaii, ay pinuri rin ni Hawaii Senator Bennette Misalucha ang Iglesia para sa iba’t-ibang pagsisikap nito na matulungan ang mga tao.
Tinukoy niya na sa pamamagitan ng dedikasyon ng INC sa pagtulong sa iba’t-ibang pangangailangan ng mga komunidad, ay naging napakahalagang bahagi ito sa paglago ng komunidad.
Ayon kay Senator Misalucha . . . “It reflects on the leadership [of the Church]. I also want to give my special aloha to Brother Manalo for all his love and support of the people of Hawaii.”
Ipinahayag naman ng mga miyembro ng INC ang pasasalamat para sa honorary certificate na tinanggap ng Iglesia mula sa Gobernador ng Hawaii.
Sa pangalan ng Iglesia at ng Church Administration, ang honorary certificate ay tinanggap ng mga Ministro sa INC na sina Kapatid na Eduardo Javier at Voltaire Tamisin.
Ayon kay Kapatid na Javier . . . “This day is important to us, memorable to each one of us because the people here, especially the people of the government, recognize the importance and the impact of the Iglesia Ni Cristo in Hawaii, particularly here in Honolulu.”
Kasunod ng nasabing okasyon, ang mga miyembro ng INC sa Oahu ay nagsagawa ng isang beach cleanup sa White Plains Beach noong July 9. Ang aktibidad ay kasang-ayon ng mga pagsisikap ng Iglesia na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga aktibidad na makatutulong sa mga lokal na komunidad.
Ipinagdiriwang ng Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) ang kaniyang ika-108 anibersaryo ngayong July 27, 2022. Ito ay unang narehistro sa Pilipinas noong July 27, 1914 ng una nitong Tagapamahalang Pangkalahatan na si Kapatid na Felix Y. Manalo.
Sa paglipas ng mga taon, ang INC ay nagsagawa ng iba’t-ibang makataong pagsisikap at evangelical missions, pati na rin ang mga pinalawig na gawa ng kabutihan na nakatulong sa mga lokal na komunidad.
Ang INC ay patuloy na lumalago sa buong mundo at umabot na sa 161 mga bansa at teritoryo, kung saan ang mga miyembro nito ay nagmula sa 149 na mga lahi at nasyonalidad.