Ikalawang dog-napper ni Lady Gaga ikinulong na
Ikinulong na ang ikalawang lalaking kinasuhan ng pagnanakaw sa mga aso ni Lady Gaga, matapos nitong aminin ang kaniyang bahagi sa pagnanakaw.
Ang 28-anyos na si Lafayette Shon Whaley, ay hinatulang makulong ng anim na taon sa bilangguan para sa second-degree robbery, dahil sa pagnanakaw sa French bulldogs ng singer.
Si Whaley ay bahagi ng isang gang na bumaril kay Ryan Fischer sa Hollywood, habang nasa labas sila ng tatlong alagang aso ni Lady Gaga para sa kanilang walking exercise noong February 2021. Si Fischer ay nagtamo ng chest injuries sa nasabing pag-atake, at isang buwan makalipas ay lumabas sa Instagram na nag-collapse ang baga nito.
Sa naturang insidente, dalawa sa tatlong aso ng singer ang tinangay, na naging daan para mag-alok ang “Poker Face” singer ng $500,000 reward para maibalik ang mga ito sa kaniya.
Ang hatol kay Whaley ay ibinigay isang linggo makaraang makulong ng kaniyang kasabwat na si Jaylin Keyshawn, at makaraang muling maaresto ang hinihinalang gunman na si James Howard Jackson, na pinakawalan mula sa kustodiya ng mga awtoridad dahil sa sinasabing “clerical error.”
Si Jackson ay akusado ng attempted murder, second-degree robbery, conspiracy to commit robbery, assault with a semiautomatic firearm at being a felon carrying a concealed firearm in a vehicle.
Nang mga panahong mangyari ang pamamaril at pagnanakaw, sinabi ng Los Angeles police na hindi sila naniniwalang kaya tinangay ang mga aso ay dahil si Lady Gaga ang may-ari nito, kundi dahil sa “appeal” ng breed ng mga aso sa black market.
Ang French bulldogs ay maliit at friendly na uri ng aso kaya’t madali lamang silang matangay.
Bukod sa kakaunti lamang ang nasabing breed, ito rin ang malimit na maging alaga ng mga celebrity gaya nina Lady Gaga, Reese Witherspoon, Hugh Jackman, Chrissy Teigen, Leonardo DiCaprio at Madonna, dahilan para maging attractive ang mga ito dahil sa posibleng libo-libong dolyar na kapalit o reward sakaling sila ay mawala o manakaw, tulad na lamang ng ini-alok na reward ni Lady Gaga.
© Agence France-Presse