Ikalawang tranche ng paglipat sa national treasury ng P10b pondo ng PhilHealth, pinapakansela ng healthcare groups at professionals sa DOF
Nagsama-sama ang nasa 70 grupo ng healthcare groups, mga doktor at medical professionals para tutulan ang paglipat ng sobrang pondo ng PhilHealth sa national treasury upang pondohan ang unprogrammed projects.
Sumulat ang mga grupo at indibidwal kay Finance Secretary Ralph Recto, para hilingin na kanselahin ang paglipat ng ikalawang tranche ng PhilHealth funds na nagkakahalaga ng P10 bilyon sa Agosto 21.
Sinabi ni Dr. Aleth Therese Dacanay, Phil. Pharmacist Association President, “We urge the Department of Finance to be sensitive to public opinion and exercise prudence and caution, by not tranferring the next tranche of funds and succeeding transfers in light of the supreme court’s request for the comments of DOF and other agencies.”
Ayon naman kay Michael Gabilo ng Philippine Physical Therapy Association, “Even more unjust to take these funds for other purposes when the unmet need for healthcare is enormous. 44% of health expenditures are shouldered out of pocket by Filipino households.”
Iginiit pa ni Dr. Antonio Dans ng National Academy of Science and Technology, na iligal sa batas ang paglipat at paggamit ng pondo ng PhilHealth na insurance fund sa ibang mga proyekto ng gobyerno.
Mali rin aniya na gamitin ito kahit maging sa sweldo ng healthcare workers.
Partikular aniya na nilalabag ng fund transfer ay ang isinasaad sa Universal Healthcare Act.
Alinsunod aniya sa batas, dapat gamitin lang ang pondo ng PhilHealth para sa indibiduwal na healthcare ng mga miyembro nito gaya sa mga konsultasyon, gamot at diagnostic tests.
Iminungkahi ng healthcare organizations na ilaan ang hindi nagamit na pondo ng PhilHealth para palawakin ang sakop at pataasin ang benepisyo ng PhilHealth gaya ng isinasaad sa batas.
Sabi ni Dr. Dans, “Ang gusto natin increase benefits, yun ang pinakaimportante, yun ang nakikita namin bilang healthcare workers, na dinadagdagan ang paghihirap ng taongbayan. Kung hindi ka sensitive, napakahirap makipag-usap. We are telling government officials, kami nasa frontline, nararanasan namin ang pagdurusa ng taongbayan, kailangan natin silang tulungan.”
Hinimok naman ni healthcare reform advocate Dr. Tony Leachon si Health Secretary Teodoro Herbosa na ipaglaban ang paglilipat ng PhilHealth funds.
Ayon kay Dr. Leachon, “Nagtatanong ang taongbayan, nasaan ang posisyon ng ating secretary of health na ipagpaliban ang pondong yan, kasi magiging gatasan po tayo later on kung magkakaroon tayo ng excess funds taun-taon. Kasi hindi ho mauubos ang pondo ng PhilHealth sa kongreso, sa sin tax at sa contribution ng direct at indirect. Dapat gamitin ang pondo hangga’t kayang ubusin.”
Idinipensa naman ni Secretary Herbosa ang paglipat ng PhilHealth funds dahil hindi ito pera ng mga miyembro kundi sobrang subsidiya.
Ani Herbosa, “PhilHealth board approved that, walang nag-oppose in the board of transfer. Wala kami ginalaw na members money, subsidy yan ng gobyerno na di nagamit ng PhilHealth, naka-separate fund yun.”
Una nang inatasan ng Korte Suprema ang ehekutibo, lehislatura at PhilHealth na sagutin ang petisyon laban sa PhilHealth fund transfer.
Moira Encina-Cruz