Ilan pang civil society organizations at women’s groups, kinuwestyon din sa Korte Suprema ang Anti- Terrorism Act
Kasabay ng anibersaryo ng proklamasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng Batas Militar, naghain sa Korte Suprema ng mga petisyon ang ilang civil society organizations at women’s groups laban sa implementasyon ng Anti-Terror law.
Ipinapawalang-bisa at ipinapahinto ng Philippine Misereor Partnership at ng iba pang social development at humanitarian groups ang batas.
Kinuwestyon din sa hiwalay na petisyon ng iba-ibang grupo ng mga kababaihan ang Anti-Terror Act dahil sa paglabag sa Saligang Batas.
Nais ng mga petitioners na magpalabas ang Supreme Court ng TRO laban sa implementasyon ng Anti- Terrorism law at ideklara itong unconstitutional.
Iginiit ng mga petitioners na malawak at malabo ang depenisyon ng terorismo sa batas na isang malaking problema dahil kahit sino ay pwedeng tawaging terorista.
Ayon pa sa mga petitioners na civil society organizations, malaki ang magiging epekto sa trabaho at operasyon ng mga social development workers sa mga komunidad ang batas.
Nangangamba ang mga petitioners na ituring silang terorista at ipakulong lalo na’t bago pa man ang batas ay pinaparatangan na silang mga komunista dahil sa pagtulong nila sa iba-ibang komunidad.
Binigyang- diin naman ng mga grupo ng mga kababaihan sa kanilang all-women petition na dapat mabasura ang Anti-Terror law dahil isa itong pagpapakita ng diktadurya at layuning patahimikin ang mga kritiko.
Bago nagtungo sa Korte Suprema, nagsagawa ng kilos protesta sa Mendiola ang mga womens groups para kundenahin ang Anti-Terrorism Act at gunitain ang deklarasyon ng Martial law.
Umaabot na sa 35 ang mga petisyon sa Korte Suprema laban sa Anti- Terror law.
Wala pang abiso ang Supreme Court kung kailan ang oral arguments at kung itutuloy pa ito o hindi.
Moira Encina