Ilan pang Pinay na biktima ng Human Trafficking sa Syria, nakauwi na sa bansa
Naiuwi na sa bansa ang 10 Pinay na ilan sa mga naging biktima ng Human trafficking sa Syria.
Ang mga kababayan natin ay dumating kahapon at sinalubong ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA), Office of the President, Inter-Agency Council against Trafficking (IACAT), at tanggapan ni Senador Bong Go.
Ang mga Pinay ay una nang narescue sa Syria at pansamantalang nanatili sa Philippine Embassy sa Damascus.
Nauna nang ipinahayag ni Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Y. Arriola na ilan pang mga kababayan natin na mga Domestic helper ang nananatili sa Syria sa kabila ng ipinatutupad na Travel Ban.
Ayon kay Arriola, patuloy silang makikipagtulungan sa IACAT para mapigilan ang pagpapadala ng ating mga kababayan sa Syria at para sa pagsasampa ng kaso sa mga human traffickers.
Ito na ang ikatlong batch ng matagumpay na repatriation ng gobyerno sa mga kababayan natin sa Syria mula noong March 6 at February 27, 2021.