Ilan sa mga biyaherong nagmula sa mga bansang may presensiya ng Omicron variant, wala pang nakikitang sintomas ng Covid-19
Hindi pa nakikitaan ng anumang sintomas ng Covid-19 ang mga biyaherong umuwi ng Pilipinas galing sa mga bansang may presensiya ng Omicron variant.
Ito ang sinabi ni Bureau of Quarantine Deputy Director Roberto Salvador Jr.
Ayon kay Salvador, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government (DILG) para masigurado na nababantayang mabuti ang mga kababayan nating umuwi ng bansa.
Nananatili aniyang naka-quarantine ang mga biyahero at kailangan nilang tapusin ang 14-day mandatory quarantine bago makabalik sa kani-kanilang komunidad.
Tumutulong din aniya ang DILG sa pagmomonitor ng mga biyahero na nakauwi na sa kani-kanilang lalawigan sa pamamagitan ng mga concerned LGU upang matiyak na nasusunod ang mahigpit na home quarantine.
Nauna nang kinumpirma ng DOH noong Biyernes na 3 mula sa 253 na biyaherong nanggaling ng South Africa, 3 sa Burkina Faso at 541 sa Egypt ay nagpositibo sa Covid-19.
Ang Malakanyang ay hinihintay na ang resulta ng genome sequencing na isinagawa sa samples ng mga nagpositibo mula sa Philippine Genome Center upang matiyak kung anong klaseng variant ang dumapo sa kanila.