Ilan sa mga isinasangkot sa 900 milyong pisong Bitcoin scam naghain ng kontra-salaysay sa DOJ
Itinuloy ng DOJ Panel of Prosecutors ang pagdinig sa reklamong syndicated Estafa laban sa mag-asawang itinuturong utak ng 900 -million peso bitcoin scam at tatlumpung iba pang indibidwal.
No show sa pagdinig ang mag-asawang Arnel at Leonady Ordonio at bigong makapaghain ng kontra salaysay.
Una nang naaresto sa isang entrapment operation ang mag-asawa sa Vigan City at pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.
Tanging abogado ng mga ito ang humarap at humingi ng kopya ng complaint.
Naghain naman ng kontra-salaysay ang sampu sa mga respondents sa reklamong inihain ng PNP-CIDG.
Hiniling nila sa doj panel na ibasura ang reklamo laban sa kanila dahil sila ay pawang mga investors lang din at nabiktima sa scam.
Iginiit din nila na walang matibay na ebidensya laban sa kanila.
Itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa May 24 sa ganap na alas dos ng hapon.
Pinahaharap sa nasabing hearing ang lahat ng respondents kahit ang mga nagsumite ng kontra-salaysay para sa mga clarificatory questions.
Ang mag-asawang Ordonio ang may-ari ng kumpanyang NewG Bitcoin Trading- na sinasabing nakapag-recruit ng tinatayang limampung investors sa kanilang bitcoin business.
Ayon sa CIDG, ang Bitcoin scam ay gaya ng pyramiding scheme na mayroong upline at downline.
Ulat ni Moira Encina