Ilang akusado sa pagkawala ng mga sabungero, pinaghahanap pa rin –DOJ
Pormal nang isinampa ng Department of Justice (DOJ) sa Manila Regional Trial Court ang mga kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa mga sangkot sa pagkawala ng ilang sabungero sa Tanay, Rizal.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina Julie A. Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo E. Zabala, Virgilio P. Bayog, Johnry R. Consolacion, at Roberto G. Martillano Jr.
Ang anim ay sinasabing guwardiya sa Manila Arena.
Walang inirekomendang piyansa ang piskalya sa mga akusado.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano na at-large o pinaghahanap pa rin ng mga otoridad ang anim.
Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa mga otoridad na hanapin ang mga akusado.
Umapela rin si Clavano sa sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ng anim na ipagbigay alam ito sa mga otoridad.
Sa oras aniya na mai-raffle ang kaso sa korte na didinig dito ay rerebyuhin ng hukom ang resolusyon ng mga piskal.
Kapag aniya pumabor ang judge ay magpapalabas ito ng warrant of arrest sa anim na akusado.
Ang kaso ay kaugnay sa pagdukot noong Enero 13, 2022 sa mga biktima na sina John Claude Inonog, James E. Baccay, Marlon E. Baccay, Rondel F. Cristorum, Mark Joseph L. Velasco, at Rowel G. Gomez.
Moira Encina