Ilang barangay sa Camalaniugan, Cagayan nalubog sa baha dahil sa pag-apaw ng Cagayan River

Hindi man sa kanilang lugar direktang naglandfall ang Bagyong Pepito, ay nakaranas pa rin ng pagbaha ang mga residente sa ilang barangay sa Cagayan, laluna ang mga naninirahan malapit sa ilog, dahil sa pag-apaw ng Cagayan River.

Ayon sa isa mga binahang residente na si Roselyn Solero, hindi pa sila nakaaahon mula sa nagdaang mga bagyo laluna at bahain talaga sa kanilang lugar, ay panibagong dagok na naman ang kanilang kinakaharap ngayon.

Aniya, kinailangan nilang magtayo ng mga tent sa may boulevard na nasa tabi ng kanilang mga bahay na lubog sa tubig-baha na lampas tao ang taas, upang payapa silang makatulog.

Sa mga tent muna sila pansamantalang maninirahan dahil hindi pa nila alam kung kailan huhupa ang tubig-baha.

Si Heidy Fiesta naman na isa rin sa mga naapektuhan, ay halos masanay na sa ganitong sitwasyon dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dumating laluna sa lalawigan ng Cagayan.

Nasa limang pamilya ang pansamantalang nagtayo ng mga tent upang mayroon silang matuluyan.

Ayon sa mga ito, nasa humigit-kumulang 50 pamilya ang naapektuhan ng tubig-baha.

Nasira rin ang temporary bridge na ginagamit sa transportasyon, na itinayo dahil sa ginagawa pa ang Camalaniugan bridge na nagdurugtong sa western at eastern part ng Cagayan.

Ang pag-apaw ng Cagayan River ay dulot ng pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.

Samantala, patuloy ang paalala ng mga awtoridad na magsagawa na ng forced evacuation ang mga apektadong residente upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Jho Ann Talosig

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *